Ang pagiging guro ay isa sa pinakamahalaga at pinagpipitagang propesyon sa ating lipunan. Sinasabing kung wala ang mga guro ay maaaring wala ang iba pang mga propesyon ngayon dahil simula palang sa pagkabata ng isang tao ay dumadaan na siya sa pagkalinga at pagtuturo ng isang guro. Ang pagiging guro ay kawili-wili, masaya, at isang pagkakataon para linangin sa pinakamataas na kasanayan ang bawat mag-aaral mula sa kanyang kritikal na pag-iisip hanggang sa kanyang mga makrong kasanayan.
Hindi maikakaila na sa loob ng isang silid-aralan ay mayroong iba’t ibang guro ang masasaksihan at makasasalamuha ang bawat mga mag-aaral. Maaaring iba ang pag-uugali, katauhan, paraan ng pagtuturo at kahit ang kakayahan ng pag-iisip. Maikaklasipika ang mga gurong ito na may mga guro na sobrang talino. Ang gurong ito ay halos alam ang lahat ng bagay sa mundo kahit ang mga kaliit-liitan aralin o konsepto. Kalimitan may mga gurong pumapasok sa silid upang isalaysay lamang ang mga kwento ng kanilang buhay. Mayroon din namang mga gurong komedyante na animo ang mga mag-aaral ay nasa loob ng isang tanghalan o sa isang komedi bar. Hindi rin mawawala ang guro na nagsasalita habang ang mga mag-aaral ay natutulog o di naman kaya ay may ibang pinagkakaabalahan. Maibabahagi rin diyan ang gurong mistulang napipilitan lamang sa kanilang kinahahantungang propesyon na para bagang sinasabi nila sa kanilang sarili na pwede na ito nang sa ganoon ay may mapagkakakitaan ako. Pumapasok sila sa klase upang magpa-ulat at magsalita nang kaunti at kagyat rin naman na lalabas, na para bang walang nangyari sa loob ng klase. Mayroon namang guro na napakahusay magturo na handang ialay ang buong oras at panahon mayroon lamang sapat na dunong na maibabahagi sa mga kanyang mga tinuturuan. Sa paglabas ng kanyang mga mag-aaral ay pawang nakangiti ang mga ito sapagkat mayroon silang kabatiran na natamo. Minsan din siyang nababalikan ng mga dating mag-aaral upang siya ay pasalamatan sa kabutihan at sa mga pagbabahagi sa kanila ng mga kabatiran na bumuo sa kanilang pagkatao.
Ano’t ano pa mang klaseng guro ang kinabibilangan, masasabi pa rin natin na ang pagiging guro na siguro ang isa sa pinakamasaya at pinagpipitagang propesyon sa mundo. Malaki kasi ang ginagampanan sa bawat buhay ng kanyang mga mag-aaral, sa paghubog sa kanila upang maging kapaki-pakinabang sa lipunang kinabibilangan. Hindi lamang ang pagbusog sa kanila ng kaalaman pati na rin ang paghubog sa kanilang katauhan. Ang mga mag-aaral na ito ang siyang bubuo sa lipunang kanyang ginagalawan at sa sanlibutan. Dahil sa isang malaking responsibilad ang pinanghahawakan ng isang guro sa buhay ng kanyang mga mag-aaral, nararapat lamang na gawin niya ang mga bagay na sa tingin niya ay maghuhulma sa sarili upang maituring na isa siyang ganap na guro. Sa pagtuturo sa loob ng klase ay hindi sapat sa isang guro na siya lamang ay nagsasalita sa loob ng klase kailangang mayroong siyang mga hakbang na susundin para sa kanyang ganap na pagiging guro. Isang klaseng guro na taglay na ang lahat ng mga katangian sa pagiging mapamaraan sa mahusay at epektibong pagtuturo.
Pagmamahal sa napiling propesyon. Kailangan ng isang guro na magkaroon ng pagmamahal sa sariling propesyon upang hindi magiging mabigat sa kanya ang mga gampanin sa paghahanda sa ikagaganap na pagiging guro. Kung wala siyang pagmamahal sa kanyang trabaho magiging masalimuot lamang ang pagtingin niya rito sapagkat maaari niyang isipin na ang kinasasadlakang propesyon ay parusa lamang sa kanya. Mapipilitan lamang siyang maghanda ng banghay-aralin sa pang-araw-araw, paggawa ng mga pagsusulit bilang pagtataya sa mga mag-aaral. Tiyak din na sa kawalan niya ng pagmamalasakit sa kanyang propesyon ay hindi siya magiging mapamaraan sa kanyang pagtuturo. Ang kanyang mga mag-aaral ang maaapektuhan dahil lalabas at papasok silang kung wala man ay kakarampot lamang ang natutuhan. Nararamdaman ng mga mag-aaral kung ang isang guro ay walang pagmamahal sa kanyang propesyon dahil nakikita nila sa kanyang mga kilos at nauunawaan nila sa kanyang mga salita. Kaya mainam sa guro na kung pipiliin niya ang propesyong ito ay kailangang mahalin niya ang pangkalahatan ganoon din ang mga kaakibat nitong mga tungkulin at responsibilidad. Mamahalin niya at tatanggapin niya na ang mga mag-aaral ay magkakaiba, sa kanilang katauhan, pag-uugali at kahit kakayahan ng kanilang pag-iisip. Kailangan yakapin niya ang katotohanan na dahil siya ang guro ay gagawin niya ang lahat sa abot ng kanyang makakaya ang mga bagay at gawain na ikakaunlad niya sa kanyang sarili at ikakatuto nila upang sila ay ganap na maging tao.
Bilang isang mag-aaral mas lalong pinag-igting ang aking kaalaman kung paano nga ba ang epektibong pagtuturo. Hindi lang pala ito ang simpleng pag-aaral upang ikaw ay matuto na ibahagi ang mga kaalaman sa mga mag-aaral mo. Marami pala ang proseso ang nakapaloob dito.
Dahil sa mga nakaraang karanasan ko bilang estudyante, marami akong nabuong paniniwala kung paano ang epektibong pagtuturo. Sa kursong ito, natutunan kong usisain ang aking mga paniniwala at palagay kung paano ang mabisang paraan ng pagbibigay ng oportunidad sa mga mag-aaral na matuto. Nararapat pala na kilalanin ko ang aking sarili at isaalang-alang ang mga pangangailangan ng aking mga mag-aaral (cognitive, social, emotional) bago ako bumuo ng mga gawaing pampaaralan. Ang mga pangangailangang ito ay ‘di dapat makita bilang kakulangan, bagkus ay mga pinagmumulan ng mga gawaing magbibigay oportunidad sa mga mag-aaral na mapagbuti ang kanilang karunungan. Ang mga gawaing ito ay kinakailangang malikhain ngunit kapakipakinabang din. Nararapat na ang mga gawaing ipapabaon natin sa ating mga mag-aaral ay yaong magagamit din nila sa labas ng paaralan.
Naniniwala ako na tungkulin ng mga guro ang walang humpay na paghahanap ng mga kaalamang makatutulong sa kanilang propesiyon. Ngunit sa kabilang banda, napapaisip ako sa mga programang kinakailangang bayaran pa ng ating mga guro mula sa kanilang mababang suweldo.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento